Pagkakaibigan ay isang napakagandang regalong maibibigay sa kapuwa at isang uri din ng regalong nais mong matanggap mula sa iba.
Ang pagkakaibigan ay paghahanap ng kaanak ngunit hindi kadugo. Nagiging karamay sa anumang pinagdaraanan sa buhay maging sa mga panahon ng tagumpay.
Marami kang magiging kakilala ngunit hindi lahat ay kaibigan. Makikilala ang isang kaibigan sa panahon ng kagipitan; malalapitan sa oras ng pangangailangan.
Ang tunay na kaibigan ay kayang sabihin ang masasakit na katotohanan sa iyong harapan at sa iyong likod ay kayang sabihin sa iba ang magaganda mong katangian.
Ang kaibigan ay isang taong nauunawaan ang iyong nakaraan, naniniwala sa iyong kakayahan, alam na ikaw ay may patutunguhan, at tinatanggap kung sino ka man.
Ang kaibigan ay maituturing na kalayaan. Sa tuwing magkakasama, napakakawalan ang tunay na kulay ay walang patid ang saya.
Alam ng pagkakaibigan ang awit ng iyong puso, at handang awitin ito sa sandaling makalimot ka na.
Nariyan sa kapag mayroong kailangan, hindi mahagilap kapag nasa oras ng karangyaan. Hindi iyan isang kaibigan.
Mas magaan sa pakiramdam ang maglakad sa kawalan kasama ang kaibigan, kaysa maglakbay nang mag-isa sa liwanag at karangyaan.
Karagdagang babasahin: Mga Salawikain
Ang tunay na pagkakaibigan ay hindi nangangahulugan nang madalas na kumustahan. Kahit matagal na hindi nag-usap at nagkita, nananatili pa rin ang magandang samahan.
Ang pakikipagkaibigan ang isa sa pinakamahiwagang bagay sa daigdig. Hindi ito naituturo, hindi rin naipamamana. Kusang nararamdaman, kusang nangyayari na parang isang mahika.
Sa pagkakaibigan mo natutuklasang mas masaya sa pakiramdam na umunlad nang may katuwang. Mas magaan sa damdamin na nakikita mong sabay kayong umaangat at walang naiiwan.
Isang kakaibang koneksiyon ang pagkakaibigan. Malalaman agad ng isa’t isa kung maayos ang lahat o may pinagdaraanan gamit lamang ang isang tinginan.